MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. ng isang pagpupulong kasama ang kanyang economic team sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Lunes.
Kabilang sa inaasahang epekto ng nagpapatuloy na krisis ay ang pagsirit sa presyo ng petrolyo.
Sa ulat, may inaasahang malakihang taas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo bunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, partikular ang labanan ng Israel at Iran.
Dahil sa epekto sa oil industry ng labanan ng Israel at Iran, tinatayang aabot sa P2.50 hanggang P3.00 per liter ang itataas sa presyo ng gasolina.
Nasa P4.30 hanggang P4.80 per liter naman ang maaaring madagdag sa presyo ng diesel. Habang P4.25 hanggang P4.40 naman sa kerosene.
Ang naturang pagtaya sa magiging galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ay inihayag ni Department Energy of Energy-Oil Industry Management Bureau, Assistant Director Rodela Romero, base sa resulta ng 4-day trading sa MOPS (Mean of Platts Singapore).
Kaya nga, pinaghahanda ng Department of Energy (DOE) ang mga motorista dahil sa panibagong taas presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Dagdag pa ng opisyal na nitong Miiyerkules ay tumaas ng halos $3 kada bareles ang diesel kung saan maaaring magtaas ng hanggang P5.00 kada litro ito.
Huling nakaranas ng P5.00 pagtaas ng diesel ay noong Marso 2022 matapos na pagbawalan ni dating US President Joe Biden ang import ng Russian oil, liquefied natural gas at coal sa US.
Sa araw ng Lunes malalaman kung magkano ang taas presyo ng produktong petrolyo na karaniwang ipinapatupad sa araw ng Martes. Kris Jose