Home NATIONWIDE PBBM: Malaking operasyon kailangan sa paglinis ng katiwalian na kanser sa lipunan;...

PBBM: Malaking operasyon kailangan sa paglinis ng katiwalian na kanser sa lipunan; muling nagpasaklolo sa media kontra fake news 

258
0

MANILA, Philippines – Aminado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nahaharap ngayon ang bansa sa napakahirap na panahon bunsod ng malawakang repormang isinasagawa ng gobyerno dahil sa kontrobersiyal na flood control anomaly na kaniyang pinaputok sa kanyang pang-apat na State Of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.

Kaya nga, sinabi ng Pangulo na kailangan ng malaking operasyon upang walisin ang katiwalian na isang ‘kanser’ sa bayan at lipunan at plantsahin ang problema sa flood control. Iyon nga lamang aniya ay hindi maiiwasan ang sakit na dulot nito sa taumbayan.

Dahil dito, humingi ng paumanhin si Pangulong Marcos sa taumbayan dahil sa paghihirap na nararanasan ng taumbayan, ngunit binigyang-diin na kinailangan itong gawin.

Winika nito na kailangang pagdaanan ang sakit at hirap upang maghilom at umunlad muli ang bansa.

Aniya pa rin, nananatiling matatag ang mga filipino at mabilis na makakabawi.

Sa kabilang dako, siniguro naman ng Pangulo na magpapatuloy ang administrasyon sa kampanya laban sa pang-aabuso at entitlement, at handang magtrabaho “24/7” upang maisakatuparan ang mga kinakailangang pagbabago.

Samantala, muli ay humingi ng tulong si Pangulong MArcos sa mga miyembro ng media sa paglaban ng pamahalaan sa fake news.

Ang fake news pa rin kasi ang itinuturing ng Pangulo na isang isang malaking problema na kinakaharap ngayon ng marami.

Aniya, marami silang ideya kung paano ito lalabanan subalit kailangan pa rin aniya ng tulong mula sa media.

Para sa Punong Ehekutibo, dapat itong pagtulungan ng pamahalaan at mga nasa pamamahayag na aniya’y tunay na may kredibilidad para kontrahin ang mga aniyay walang basehan at walang katotohanang mga impormasyon.

Sa una aniya ay tila nakakatawa lang ang fake news subalit ngayon ay maituturing na itong lubhang nakapaninira.

Kaya nga aniya, kailangan ng gobyerno ang suporta at tulong ng media upang maipaliwanag sa taumbayan kung ano ang dapat paniwalaan at hindi. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here