Home NATIONWIDE PBBM mangunguna sa inagurasyon ng dam, rice processing system sa Ilocos Norte

PBBM mangunguna sa inagurasyon ng dam, rice processing system sa Ilocos Norte

MANILA, Philippines- Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inagurasyon ng isang dam at rice processing system sa Ilocos Norte sa susunod na linggo.

Layon ng rice processing system sa Ilocos Norte na ibaba ng presyo ng bigas na hindi masasakripisyo ang kita ng mga magsasaka.

“Now, next week sa July 19, mag-inaugurate po kami ng ating Pangulo ng isang dam sa Ilocos Norte,” ayon kay National Irrigation Administration (NIA) chief Eduardo Eddie Guillen.

“Ito po kasi ang susi doon sa sinasabi niyang pagpapababa ng bigas nang hindi naman po mai-sacrifice iyong ating mga farmers. Kasi, kapag pinababa po natin ang presyo ng bigas kasabay noon isasakripisyo mo ang kita ng ating mga magsasaka,” paliwanag ni Guillen.

“So, again, paano mo pababain ang presyo ng bigas nang hindi naman ma-sacrifice iyong ating mga farmers? You know, ang tinitingnan ng ating Pangulo diyan dapat puwede rin silang makapagbenta ng bigas,” patuloy ng opisyal.

Ang rice processing system, ayon kay Guillen, ay pinatatakbo ng kooperatiba ng mga magsasaka na binubuo ng mga miyembro ng “irrigators’ association.”

“Dahil mali ang naging diskarte natin sa mga nakaraang panahon, kinekuwenta kasi natin iyong kita ng magsasaka doon sa magbenta siya ng palay – hindi ho dapat ‘no,” giit niya.

“Halimbawa, hybrid rice, nasa 50,000 pesos pero ang yield natin sa 50,000 pesos…nasa eight tons kami, nag-a-average kami ng eight tons sa mga irrigated natin – i-divide mo ngayon, 50,000 pesos divided by eight tons – nasa 10 pesos lamang po iyong production cost natin ng palay. So, doblehin mo na iyon, bigyan mo na ng 100 percent na income si farmer – so, nasa 20 pesos lang ang production cost talaga ng bigas na kita ng ating magsasaka,” litaniya ni Guillen.

“Now, paano mo ngayon dadagdagan ang kita nila? Kung sila mismo ang mag-process halimbawa, ibenta nila iyong bigas ng 40 pesos. Mayroong value added na 20 pesos. Ito po ang gustong ma-capture ng ating Pangulo.” Kris Jose