Home NATIONWIDE PBBM may kondisyon: Flood control projects, kailangan munang ma-meet lahat ng requirements...

PBBM may kondisyon: Flood control projects, kailangan munang ma-meet lahat ng requirements para magpatuloy

289
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tanging ang mga flood control projects na mami-meet ang lahat ng kinakailangang requirements ang papayagan na magpatuloy.

Binigyang diin ang kanyang commitment na sugpuin ang iregularidad sa implementasyon ng infrastructure projects.

Sa isinagawang aid distribution sa Gonzaga, Cagayan, sinabi ng Pangulo na ang flood control projects ay maipapatupad lamang kung ang ‘proposal at program of work’ ay maayos na naihanda at mayroong clearance mula sa local government units (LGUs).

Tiniyak naman ng Pangulo sa publiko na magpapatuloy ang implementasyon ng mga ‘fully compliant flood control projects’, sabay sabing mahigit sa P300 billion ang available para pondohan ang mga ito hanggang sa susunod na taon.

“So, hindi pa nauubos ‘yun. So, tuluy-tuloy pa rin ang magiging flood control projects hanggang sa susunod na taon,” ayon sa Pangulo.

“At meron naman tayong i-approve na flood control project basta’t nakita natin eh maayos — maayos ang proposal, maayos ang program of work, maayos ang completion, may acceptance ng local government. That’s the new factor that we put in,” aniya pa rin.

Ito’y matapos na ipahayag ng Pangulo ang labis niyang kalungkutan sa pag-alis sa mga requirement para sa LGUs na pormal na tanggapin ang national infrastructure projects, isang proseso na aniya’y makatutulong na tiyakin ang ‘transparency at accountability.’

Nauna rito, ibinalik ni Pangulong Marcos ang polisiya na nire-require ang LGUs na pormal na tanggapin ang mga proyekto bago pa nila ito ideklarang kompleto.

Iniuugnay ng Pangulo ang paglaganap o paggamit ng marami ng ‘substandard at nonexistent flood control projects’ sa pag-alis sa partisipasyon ng LGU.

“Ang problema, tinanggal ‘yun noong nakaraang ilang taon. I don’t know what year they removed that. Pero nagulat ako kasi napaka-importante iyan na meron kang clearance sa barangay chairman, may clearance ka sa mayor, may clearance ka sa probinsya. Dahil ‘yun ang paraan namin sa local government para tiyakin na ‘yung mga project ay maganda ang pagkagawa at tama at hindi naman nagmahal ng masyado,” ayon sa Chief Executive.

“Mula ngayon ay ibabalik natin ang proseso ng pag-accept ng local government executives,” dagdag na wika nito.

Samantala, sinabi pa ng Pangulo na ipinag-utos na niya ang realignment ng P255.5 billion na orihinal na inilaan para sa flood control projects sa 2026 para pondohan ang mga priority programs ng ibang ahensiya ng gobyerno.

“Kung hindi po namin ginawa iyan, iyang P255.5 billion na iyan, kung saan-saan na napupunta,” ang tinuran ng Pangulo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here