MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinalalakas ng gobyerno ang paghahanda laban sa banta ng posibleng matinding El Niño phenomenon na maaaring manatili hanggang sa susunod na taon.
Sa isinagawang inagurasyon ng Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project sa Bohol, sinabi ni Pangulong Marcos na sa pagtatantya ng gobyerno ay malaki ang posibilidad na tumagal ang kondisyon ng tag-tuyot na nakaaapekto sa bansa.
“Ayon sa ating datos, malaki ang posibilidad na makakaranas ang bansa ng matinding El Niño na maaaring tumagal hanggang sa susunod pa na taon, 2027,” ayon sa Pangulo.
Kaya nga namuhunan ang administrasyon sa small reservoir irrigation projects (SRIPs) at iba pang water-management initiatives para bawasan ang vulnerability ng mga magsasaka sa panahon ng tag-tuyot.
“Kaya’t sa ilalim ng Administrasyon, ating itinaguyod ang mga SRIP upang mapataas ang kita ng ating mga magsasaka at maging mas matatag naman ang laban sa sakuna,” aniya pa rin.
Ang mga magsasaka sa drought-prone areas ay hinikayat na pansamantalang lumipat sa mga pananim na nangangailangan ng mas kaunting tubig kabilang na ang pakwan, luya, ube, mani at talong.
“Bilang tugon sa banta ng El Niño, pinayuhan na natin ang ilang magsasaka na magtanim ng high-value commercial crop gaya ng pakwan, ng luya, ube, mani, at talong,” ang tinuran ng Pangulo.
Pino-promote din ng gobyerno ang climate-adaptive farming technologies, kabilang na ang solar-powered pumps at water reuse o recycling systems sa mga lugar na madalas na apektado ng tag-tuyot.
Sa kabilang dako, sinabi pa ng Pangulo na isinasagawa na rin ng gobyerno ang information campaigns para makahikayat ng tamang maintenance at proteksyon ng irrigation facilities.
Samantala, inaasahan naman na ang P833.37-million Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project ay makapagbibigay ng reliable year-round water supply sa 530 ektarya ng agricultural land sa Bohol.
Isang proyekto ng National Irrigation Administration, ang pasilidad na direktang mapakikinabangan ng 717 magsasaka sa munisipalidad ng Mabini at Alicia. (KRIS JOSE)