ILOCOS NORTE, Philippines – Namahagi ng livelihood assistance si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga vendors na naapektuhan ng sunog na sumira sa pangunahing gusali ng Batac Public Market sa Ilocos Norte noong Hulyo ng nakaraang taon habang nagbigay ng pondo para sa rehabilitasyon ng pamilihan.
Sa katuanyan, namahagi ang Pangulo ng P20,000 na tulong sa 128 sa mga apektadong stall owners at tinurn over ang P150-million Local Government Support Fund Special Allotment Release Order para sa rekonstrusyon ng pamilihan.
“Lubos ang suporta ng pamahalaan sa pagbangon ng mga apektadong negosyante at manggagawa ng Batac Public Market matapos ang sunog na sumira sa pangunahing gusali ng pamilihan noong Hulyo,” ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
“Tiniyak ng pamahalaan ang patuloy na suporta sa pagbangon ng Batac Public Market sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa kabuhayan sa mga apektadong stall owners at paglalaan ng pondo para sa pagtatayo ng mas moderno, mas ligtas at mas matibay na pampublikong pamilihan,” ang sinabi pa rin ng PCO.
Tinuran pa ng PCO na magpapatuloy ang gobyerno sa pagsuporta para sa pagbagon ng pamilihan sa pamamagitan ng pamumuhunan na naglalayon na muling buhayin ang lokal na ekonomiya at tulungang maipagpatuloy ng mga naapektuhang negosyante ang kanilang operasyon. (KRIS JOSE)