MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Sabado, Nobyembre 30 ang pamamahagi ng ‘food, cash assistance, at medical services sa 2,100 pamilya na na-displaced ng kamakailan lamang na sunog sa Tondo, Lungsod ng Maynila.
Sa isang ceremonial event na idinaos sa Rosauro Almario Elementary School, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na iprayoridad ang kalusugan ng mga biktima ng sunog na kasalukuyang nananatili sa Delpan Evacuation Center.
“Ang inaalala ko kasi dahil ang sikip-sikip doon sa Delpan, inaalala ko ‘yung mga maliliit na bata baka magkasakit, kaya tiniyak natin na mayroon tayong medical team na manggagaling sa Department of Health na pupunta. Tuluy-tuloy po yan. Hindi na sila aalis,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Nangako naman ang Pangulo na patuloy siyang magpapahatid ng food packs at iba pang tulong sa mga nasunugan hangga’t maaaring muling itayo ang kanilang mga tahanan.
Tiniyak naman ng Pangulo sa mga ito ang commitment ng national at local government na bigyan ng mga ito ng bagong bahay bago mag-Pasko.
Sa katunayan, sinabi ng Pangulo na ipinag-utos na niya kay Mayor Honey Lacuna na maghatid ng napapanahong tulong at suporta para sa fire-affected families.
“Kaya’t kailangan maayos natin kaagad yun. Kaya’t huwag niyo alalahanin. Andito po ang city government, andito po ang national government. Lahat po ng ahensya ng pamahalaang nasyonal at nag-uugnay naman kasama ang mga local government officials, ang ating tunay na first responder,”ang sinabi ng Pangulo.
“Kailangang cash para kayo bawat isang pamilya may hawak para magamit para naman doon sa pangangailangan na sa pamilya ninyo: yung gatas nga ng bata, yung gamot na maintenance, at kung anuman,” ang winika pa rin ni Pangulong Marcos.
Sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bawat pamilyang apektado ng sunog ay makatatanggap ng P10,000 na cash assistance at family food packs para sa kanilang agarang pangangailangan.
Sa kabilang dako, ang Office of the President (OP) ay namahagi ng 2,100 mga kumot at banig para sa mga displaced family.
Samantala, tinatayang 2,100 pamilya ang na-displaced ng malawak na sunog na tumama sa Isla Puting Bato sa Tondo at Sampaloc District noong nakaraang Linggo, Nobyembre 24. Kris Jose