Home NATIONWIDE PBBM, nais na mas maunawaan ng mga Pilipino mga programa, benepisyo ng...

PBBM, nais na mas maunawaan ng mga Pilipino mga programa, benepisyo ng pamahalaan

1
0

MANILA, Philippines – Hangad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas maunawaan ng mga Pilipino kung paano nakatutulong sa kanilang buhay ang mga programa, serbisyo, at repormang ipinatutupad ng pamahalaan.

Tinuran ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Lino Cayetano sa panayam ng Malacañang Press Corps (MPC), araw ng Biyernes na paiigtingin ng PCO ang pagpapaliwanag sa mga programa ng administrasyon, hindi lamang upang ipaalam ang mga ginagawa ng pamahalaan kundi upang ipakita rin ang mga pakinabang ng mga ito sa publiko.

“I think that’s something on our end, kami dito sa PCO, we will work harder to be able to explain to you na yung mga nilalabas nating mga programa, inspeksyon, decrees, executive orders, even pag umiikot ang Pangulo, kasama niya ang mga iba’t ibang ahensya,” ani Cayetano.

Dagdag ni Cayetano, mahalagang maipaliwanag kung paano nagdudulot ng tunay na pagbabago sa buhay ng mga mamamayan ang mga programa at polisiya ng pamahalaan.

“We want to be able to explain better the programs, the policies, the news that we bring out every day,” ani Cayetano.

Bilang halimbawa, binanggit ni Cayetano ang mga reporma sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nagpababa ng 40 porsiyento sa karaniwang gastos sa pagpapaospital ng mga Pilipino mula sa sariling bulsa.

Binanggit din ni Cayetano ang benepisyong gamot na nagkakahalaga ng hanggang P20,000 para sa mga miyembro ng PhilHealth.

Sa ilalim ng Universal Health Care Act, awtomatikong miyembro ng PhilHealth ang lahat ng Pilipino.

Ayon kay Cayetano, nais ng Pangulo na hindi lamang agarang tulong ang maibigay ng mga programa, kundi mga pagbabagong magdudulot ng mas magandang buhay sa mga Pilipino sa mga susunod na taon.

“Pero gusto ng Pangulo, gusto ng administrasyong ‘to, maintindihan n’yo yung proseso, na hindi lang ito benepisyo na mararamdaman ng mga Pilipino ngayon o bukas, pero sa marami pang mga henerasyon,” ani Cayetano.

Tiniyak ng PCO na paiigtingin nito ang pagpapaliwanag sa mga programa at reporma ng pamahalaan upang mas maunawaan ng publiko ang mga benepisyo ng mga ito at ang pangmatagalang layunin ng administrasyon para sa bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here