MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Education (DepEd) na pagtulungan na mabigyan ng mas mataas na Service Recognition Incentive (SRI) ang mga public school teacher.
Layon ng pamahalaan ayon sa Presidential Communications Office (PCO) na itaas ang SRI para sa 1,011,800 DepEd personnel mula sa kasalukuyang P18,000 hanggang P20,000.
Kapuwa inatasan ni Pangulong Marcos ang dalawang departamento na i-explore ang budgetary measures para igarantiya na ang karagdagan sa SRI para sa mga DepEd personnel ay maaaring ipatupad habang nananatiling alalahanin ang mga responsibilidad sa pananalapi.
Sa kabilang dako, pinasalamatan naman ni Education Secretary Sonny Angara si Pangulong Marcos sa naging direktiba nito na kanyang inilarawan bilang “morale booster” para sa mga nagtuturo.
“This initiative underscores our shared goal of empowering teachers and reinforcing their critical role in shaping the future of Filipino learners,” ayon kay Angara.
Samantala, asahan na ang mas marami pang anunsyo ukol sa implementasyon at timeline para sa pagdaragdag sa SRI lalo pa’t isinasapinal na ng departamento ang kinakailangang funding mechanisms.
Ang SRI ay ‘yearly financial incentive’ na ipinagkakaloob sa mga empleyado ng gobyerno bilang pagkilala sa kanilang commitment at dedikasyon sa kalidad at agarang pagtugon sa serbisyo publiko. Kris Jose