Home METRO Rider patay sa punong kahoy

Rider patay sa punong kahoy

CEBU CITY- BASAG ang bungo ng isang rider matapos sumalpok sa punong kahoy habang minamaneho ang motorsiklo, iniulat kahapon, Disyembre 9 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Antonio Rannan Pontillas Arigo, 33-anyos at residente ng Dr. Sue Drive, Nasipit, Barangay Talamban, Cebu City.

Batay sa report ng Traffic Enforcement Unit- Cebu City Police Office (CCO), bandang 8:00 PM naganap ang insidente sa Sitio Buslot, Barangay Busay, ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng biktima ang palikong bahagi ng kalsada ng bigla na lamang itong nag-overtake sa kasunod na kotse.

Kwento ng mga saksi mabilis ang patakbo ng biktima sa kanyang motorsiklo at nawalan ito ng kontrol sa manibela hanggang sa sumalpok sa punong kahoy.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan. Mary Anne Sapico