MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na nakatutok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa trabaho at pamamahala at hindi sa pamumulitika sa gita ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, prayoridad kasi ng Pangulo ang solusyon na magpapagaan sa epekto ng tumataas na presyo ng langis at protektahan ang mga Filipino.
“Ang Pangulo po ay hindi namumulitika, ang Pangulo po ay nagtatrabaho,” ang sinabi ni Castro.
ipinahayag ito ni Castro kasunod ng pagpuna ng Makabayan bloc, sinasabing ang ginagawang pagtugon ng administrasyon sa energy crisis ay limitado sa rollbacks at target na subsidiya.
Pinalagan ito ni Castro sabay sabing ‘ wala itong basehan.’
“Para sabihin na walang ginagawa… ito po ay napakalaking kasinungalingan,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, minaliit naman ng Malakanyang ang pagkakatatag ng Reform Alliance for Good Governance and Accountability (RAGE) Coalition, sa pangunguna ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, sabay sabing hindi apektado at hindi nababahala ang administrasyon dito.
“Hindi na po iyan papansinin ng Pangulo… tutok na bigyang solusyon ang nararanasan natin,” ang pahayag ni Castro.
Sa ulat, ang paglulunsad ng RAGE Coalition ay isinagawa bago ang nakatakdang impeachment hearing sa House Committee on Justice sa Abril 14, kung saan inaasahang haharap si Ramil Madriaga, na umaming dating “bagman” umano ni VP Sara Duterte.
Sa kabila ng pinaigting na political rhetoric, tinuran ni Castro na nananatiling bukas ang administrasyon sa ‘constructive proposals.’
Binigyang diin nito ang patuloy na pagtutok ng gobyerno sa pagtugon sa energy crisis sa pamamagitan ng target na subsidiya, transport support, at iba pang interbensiyon sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee kung saan si Pangulong Marcos ang chairman. KRIS JOSE