Home NATIONWIDE PBBM nakipagpulong sa BARMM governors

PBBM nakipagpulong sa BARMM governors

MANILA, Philippines- Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga gobernador ng Bangsamoro region para talakayin ang mga usapin na may kinalaman sa daan patungo sa kapayapaan at kasagaan sa autonomous area.

Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO), kasama ng Pangulo sa naturang pagpupulong sina Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. at Mindanao Development Authority Chairman Leo Magno kasama ang mga gobernador ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“A wide range of issues, centering on peace and prosperity in the region, were discussed during the meeting,” ayon sa PCO.

Ang pahayag na ito ng PCO ay isang araw bago ang paghahain ng certificates of candidacy (COCs) para sa kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM sa 2025 ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 4.

Nauna rito, sa isang panayam, sinabi ni Comelec Chair George Garcia na nag-deploy na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ng kani-kanilang mga tauhan sa Bangsamoro region para tumulong na tiyakin ang kapayapaan at seguridad sa BARMM COC filing process mula Nov. 4, araw ng Lunes, hanggang Nov. 9, araw ng Sabado.

Subalit, binigyang-diin ni Garcia na hindi ito nangangahulugang kinokonsidera ng gobyerno ang BARMM bilang ‘hotbed’ para sa poll violence.

Sa nasabi pa ring pagpupulong, nagkaroon sina Pangulong Marcos at ang mga dumalo ng “productive and frank exchange of ideas on how to move forward the government’s development agenda for the Bangsamoro people” kasunod ng naging desisyon ng Korte Superma na nagdedeklara na ang Sulu ay hindi bahagi ng territorial jurisdiction ng BARMM.

Sinabi pa ng PCO na ang naturang pulong ni Pangulong Marcos sa BARMM leaders ay ‘consistent’ sa layunin ng administrasyon na ‘inclusive consultations’ sa lahat ng stakeholders.

“That kind [of] meeting with local leaders has been conducted by Malacañang officials since Day One of this administration pursuant to its vow to directly and regularly consult local leaders regardless of political affiliation,” ang sinabi pa ng PCO. Kris Jose