MANILA, Philippines- Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mamamayang Pilipino na apektado ng mapanirang wildfires sa Southern California, USA. Ito ang lugar na tinatawag ng mga Pilipino na kanilang ‘tahanan.’
Dalangin at hangad ng Pangulo na magsimula ang pagbangon ng komunidad na may lakas, pakikiramay at pagkakaisa.
“May the community’s road to recovery begin with strength, compassion and solidarity,” wika niya.
Sa kabilang dako, ang paalala ng Pangulo sa mga ito ay: “Please stay safe and vigilant.”
Samantala, nakahanda naman ang gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan ang mga Pilipinong apektado ng “massive wildfires” sa katimugang bahagi ng estado ng California.
“Sa ngayon, we’ve been trying to reach ‘yung ating mga kababayan through all possible means… Marami sa ating mga kababayan ay under mandatory evacuation,” ang sinabi ni DFA Assistant Secretary Adelio Angelito Cruz sa isang panayam.
Nauna rito, umapela ng tulong ang mga Pilipino at Filipino-Americans na apektado ng malawak na wildfires matapos na ang ilan sa mga ito ay mawalan ng lahat dahil sa sunog.
Sa kabilang dako, nagpalabas naman ang Philippine Consulate General sa Los Angeles ng abiso na nananawagan sa mga mamamayang Pilipino na pag-ukulan ng pansin ang diplomatic post para sa tulong.
“The Consulate is coordinating with local authorities and closely monitoring the situation of Filipino nationals in the affected areas. Filipino nationals requiring the Consulate’s assistance may call (323) 528-1528,” ang sinabi ng Consulate sa naturang advisory.
Sinabi pa rin ni Cruz na tanging tatlong pamilyang Pinoy lamang ang humingi ng tulong mula sa gobyerno ng Pilipinas.
“Kakaunti lamang ang humihingi ng tulong sa amin. We are assuming na marami silang kamag-anak sa LA at doon muna sila na naninirahan… Sa Palisades, walang masyadong mga Pilipino,” aniya pa rin.
Winika pa nito na may mahigit sa tatlong milyong Pilipino ang nasa kabuuang estado ng California. RNT/SA