Home OPINION KAWAWANG PHILIPPINE NAVY, COAST GUARD

KAWAWANG PHILIPPINE NAVY, COAST GUARD

NAKIKITA ngayon kung gaano kaawa-awa ang Pilipinas sa pagtatanggol ng mga interes nitong 12-nautical mile territorial sea at 200-mile exclusive economic zone sa West Philippine Sea.

Paisa-isa na nga lang ang mga barko natin, Navy man o Coast Guard, maliliit pa kumpara sa mga barko ng ibang mga bansa, Chinese man o ibang bansa.

Kaya naman, hanggang radio challenge na lang ang magagawa natin para ipagtanggol ang nasabing mga interes.

Kumbaga sa boksing, mana-knockout at mako-comatose lang ang mga Manny Pacquiao natin kung ilalaban sila sa mga super heavy weight boxer gaya nina Oleksandr Usyk, Tyson Fury, Anthony Joshua ngayon at nina Muhammad Ali, George Foreman at Mike Tyson noon.

Ang isang napakalaking katanungan kung bakit ganyan kahina ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard natin ay dapat isalang.

Heto: Alam ba ninyo na makabibili ng medyo malalaking barkong pang-Navy o Coast Guard ang P26 bilyong inilaan para sa ayudang AKAP na sa tingin ng mga kritiko ay pork barrel o pinagkakaperahan lamang?

At kung isasama sana ang P13B AKAP para sa 2024, tatlong barko na sana ang nabili ng Pinas.

Itong AKAP noong 2023 na inimplementa nitong 2024, misteryosong isiningit sa pambansang badyet sa pamamagitan ng Bicameral Conference Committee o Bicam at sariling programa lang ng mga kongresman.

Itong P26B para sa 2025, kinontra ng mga senador at sinibak pa nga ni Manang Imee Marcos ngunit ibinalik ng Bicam at inaprubahan ng nakararaming senador nang magkaroon na sila ng parte rito.

Aprub din kay Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay dating Supreme Court Justice Antonio Carpio, pork barrel o pagkakaperahan lang na hindi labag sa Konstitusyon ang AKAP pero kinontra naman ito ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian.

Tama bang “Kapag may usok, may sunog” sa AKAP na ito?

Kung wala sanang ganitong “Kapag may usok, may sunog”, nakarami-rami na sana tayo ng mga barkong gamit sa pagtatanggol ng Pinas sa ating mga interes na pandagat.