Home NATIONWIDE Bersamin: Malakanyang kumpiyansa sa mapayapang National Rally of Peace ng INC

Bersamin: Malakanyang kumpiyansa sa mapayapang National Rally of Peace ng INC

MANILA, Philippines- Naniniwala ang gobyerno na magiging mapayapa, matiwasay at makabuluhan ang mga pagtitipon sa araw na ito.

Ngayong araw kasi ng Lunes, Enero 13, ay idaraos ang National Rally of Peace ng Iglesia Ni Cristo (INC).

“Higit sa lahat, umaasa kami na ang mga ipapahayag na mga opinyon ay makakatulong sa paglilinaw sa mga usaping kinakaharap ng ating bansa at maghahatid sa atin sa tunay na pagkakaisa na ating inaasam,” ayon kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin.

“Sa pagkilatis at pakikinig lamang sa lahat ng panig sa isang usapin ang siyang magdudulot ng kalinawan na ating hinahanap,” wika pa niya.

Sinabi pa rin ni Bersamin na ang mapayapang pagtitipon ay maituturing na ‘bedrock right’ na ginagarantiya ng Saligang Batas, itinatangi ng mga tao at patuloy na itinataguyod ng administrasyong Marcos.

Kaya nga ang lahat ng ahensya ng pamahalaan ay inaatasan na huwag hadlangan ang karapatan ng Iglesia ni Cristo na ipahayag ang kanilang saloobin.

“In this light, agencies concerned with the maintenance of peace and order, as well as with traffic and transportation management, including emergency health services, should be ready to provide assistance whenever such is needed by their fellow citizens,” ang sinabi pa rin ni Bersamin.

Para sa Malakanyang, ang pagtitipon ngayong araw ay bahagi ng ‘national conversation’ na dapat ay mayroon ang lahat bilang tao upang magbigay ng kalinawan at consensus sa mga usapin na kinahaharap ng lahat at nakaaapekto sa hinaharap.

Magugunitang kinansela ng Malakanyang ang pasok sa paaralan at opisina sa lungsod ng Maynila at Pasay dahil sa gaganaping kilos protesta. Kris Jose