Home OPINION PANG-AABUSO SA PONDO NG ESTADO

PANG-AABUSO SA PONDO NG ESTADO

IPINAGBABAWAL ng Commission on Elections ang pag-epal ng mga politiko maging ang paglalagay ng kanilang campaign materials sa mga lugar kung saan ipinamamahagi ang tulong ng estado o ang ayuda.

Ayon kay Comelec chairman George Garcia, ang mga politiko na naghahangad ng personal na kredito para sa mga serbisyong panlipunan na pinondohan ng buwis ng taumbayan ay isang “pang-aabuso” sa resources ng estado at maaaring maging paglabag sa halalan.

Ang pagbabawal sa presensya ng mga politiko ay isang kondisyon para sa exemption na ipinagkaloob ng Comelec sa paghahatid ng iba’t ibang uri ng tulong mula sa estado at iba pang serbisyong panlipunan sa panahon ng halalan, na magsisimula sa Enero 12.

Hiniling ng Department of Social Welfare and Development ang exemption para sa maraming programang tulong nito, kagaya ng conditional cash transfer sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at ang unconditional dole-outs sa ilalim ng kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program at ang Assistance for Individuals in Crisis Situations.

Ang pondo ng AKAP at AICS ay hindi pag-aari ng mga politiko kaya marapat lang na hindi magamit sa pag-epal ng mga pukpulitiko.

Kung sino mang politikong makitang umeepal sa AKAP, AICS at iba pang event na may kaugnayan sa ayuda ay maaaring maharap sa parusang diskwalipikasyon sa halalan.

Maging ang mga tauhan ng social welfare na sadyang pinahintulutan ang mga politiko na lumabag sa pagbabawal na ito ay maaari ring maharap sa mga kasong administratibo.

Para maiwasan ang paglitaw ng mga politiko, mag-iimbita ang DSWD ng mga kinatawan ng Comelec sa ayuda payout events para matiyak ang pagsunod sa pagbabawal.

Naging talamak na ang pagpapapogi ng makakapal ang mukhang politiko sa tuwing may pamamahaging ayuda na pinondohan ng estado.

Dapat na itong matigil, hindi lang sa iilang lugar kundi sa buong bansa, kapwa sa pambansa at lokal na mga tanggapan ng pamahalaan, hanggang sa barangay.

Sobra nang nakasusuka sapagkat napakarami nang pampublikong opisyal at empleyado na gumugulo sa linya o listahan ng ayuda dahil sa pamimili kung sino-sino lang ang bibigyan.

Ang kakapal ng kanilang mukha dahil sa kanilang pagtrato na ang pambansang salapi ay kanilang pribadong alkansya.

Halimbawa ang pamimihasa ng mga mambabatas sa paggamit sa bilyun-bilyong pondo ng publiko para sa kanilang mga personal na layunin, sa pamamagitan ng taunang General Appropriations Act.

Sana ay maging makabuluhan ang hakbang ng Comelec na masugpo ang malawakang pang-aabuso sa resources ng estado para sa pansariling pakinabang ng mga epal, pulpol, ganid at buwayang politiko!