MANILA, Philippines- Ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahigit sa 219 ektarya ng lupang sakahan na nasa loob ng Hacienda Luisita sa lalawigan ng Tarlac at pinatawad na ang P12.1 milyong utang na dapat bayaran sa gobyerno ng mahigit 300 magsasaka.
Ang lugar ay bahagi ng 4,200 ektarya ng lupain sa Tarlac na ipinagkaloob ni Pangulong Marcos at Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga benepisyaryo bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program (Carp).
Sa naging talumpati ng Pangulo, hiniling ni Pangulong Marcos sa agrarian reform beneficiaries na gawing produktibo ang kanilang mga lupain.
Tinukoy din niya kung paano ang kanilang farming activities ay makapag-aambag sa economic development ng bansa.
“I have just one request from you: the award of these parcels of land to you goes with it the responsibility to nurture it, not only for your own benefit but for that of the whole nation,” ang sinabi pa rin ng Pangulo sa kanyang naging talumpati sa pamamahagi ng titulo sa bayan ng Paniqui.
Ang Hacienda Luisita ay isang 4,435 hektaryang lupaing taniman ng asukal sa Tarlac na pag-aari ng pamilya Cojuangco na kinabibilangan ni dating Pangulong Corazon Aquino at kanyang anak na dating Pangulong Noynoy Aquino. Ito ay sinasabing kasing-laki ng pinagsamang mga lungsod ng Makati at Pasig. Kris Jose