
ANAK ng tokwa, kung ano-ano na lang ang nagaganap na iskam sa bansa.
Halos kasabay ng iskam kay Pangulong Bongbong Marcos ang iskam na P90 milyong “pagpapanalo” ng mga politiko sa halalang 2025.
P8,000 AYUDA NI PBBM
Nagsimula ang iskam sa pagpasok ng isang mensahe sa Messenger sa isa nating kaibigan.
Sabi sa mensahe, “Namimigay si PBBM ng P8,000 na ayuda.”
Siyempre pa, malaki man o maliit sa tingin ng iba ang P8,000, walang aayaw niyan.
At nagkataon naman sa meron o wala ang hinatiran ng mensahe.
Kahit ano pa ang interes o nakapaloob dito.
Ke pambili ng boto para sa eleksyong 2025 o sadyang hulog ng langit lang sa mga walang-wala o kapos sa kita.
Nang nagpakita ng interes ng ating kaibigan, hayan na, hiningi na ng iskamer ang e-wallet nito, kasama ang one-time-pin para maipasok umano roon ang ayudang P8,000.
Eh, nagkataong walang laman ang kanyang e-wallet at talagang hulog ng langit dapat iyon.
Ngunit habang nagpapalitan sila ng mensahe ng iskamer, doon na nakapa ng ating kaibigan may iba na palang gumagamit ng kanyang Facebook account, kasama ang kanyang Messenger.
Maswerte namang naibalik agad ang tunay niyang account at ngayon nagbababala na siya sa iba na mag-ingat sa ganitong iskam.
Kaya lahat dapat mag-ingat.
ISKAM SA COMELEC
Aktibo na rin, mga Bro, ang paggamit ng halalang 2025 ng mga iskamer para mangotong o mang-iskam sa mga politiko.
Nangyari ito sa kandidato sa pagkamayor at bise mayor sa isang bayan sa lalawigan ng Cagayan.
Napakagaling sa pagpapanggap ng mga iskamer na nagpakilalang information technology specialist sila at konektado sa Commission on Elections at kaya nilang ipanalo ang sinomang gustong manalo kapalit ng malaking halaga.
Sa imbestigasyon ni CIDG Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, pinag-aalok na umano ang mga politiko noong 2019 at 2022 eleksyon ngunit hindi pinansin ang mga ito kaya sila maaaring natalo.
Kaya kumagat na sila sa P90 milyong kotong ngunit nakapagsumbong sila sa CIDG na gumawa ng paraan na mahuli ang mga iskamer at nangyari ito sa Marikina City na ikinahuli tatlo sa pitong suspek.
Ang apat nilang kasamahan na nasa Parañaque City na roon nagkatransakyon sa salapi ay nakatakas at marahil na nabigyan umano ng tip sa nangyari sa Marikina.
Hindi naman malinaw, mga Bro, kung naibigay na ang P90M ng mga politiko na laging nanalo noon ngunit natalo nga sa magkasunod na eleksyon noong 2019 at 2022.
HINDI KONEKTADO SA COMELEC
Walang rekord, wala ni anino ang mga iskamer sa Comelec sa ilalim ni Chairman George Erwin Garcia.
Hindi sila regular o job order employee, ayon kay Comelec Commissioner Aimee Ferolino.
Sabi ni Chairman Garcia, walang makalulusot na iskamer sa sistema ng Comelec at lubos tayong naniniwala sa kanya.
Pero, baka naman pupwedeng silipin nang husto ang sinasabi ng mga biktimang politiko na napagtatalo sila makaraang dedmahin nila ang mga nasabing iskamer.