MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang gala dinner sa Malacañang Palace, araw ng Biyernes, Hulyo 24, bilang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia (TAC).
Bilang ASEAN Chair ngayong 2026, pinangunahan ng Pilipinas ang pagdiriwang ng kasunduan na nagsusulong ng kapayapaan, pagtutulungan, at paggalang sa isa’t isa mula nang lagdaan ito sa Bali, Indonesia noong 1976.
Bago ang gala dinner, lumagda na rin sa kasunduan ang Sweden, Poland, Romania, at Lithuania, kaya umabot na sa 62 ang mga bansang kalahok.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga diplomat, foreign ministers, at mga opisyal ng ASEAN, inihalintulad ni Pangulong Marcos ang diplomasya sa tradisyon ng mga Pilipino na nagsasama-sama sa hapag-kainan.
“Sa bawat tahanang Pilipino, may lugar kung saan nagsasama-sama ang mga tao,” ayon sa Pangulo.
“Sa ating wika, ito ay tinatawag na hapag-kainan… Ngayong gabi, binuksan ng Pilipinas ang hapag-kainan nito para sa inyong lahat,”ayon pa rin kay Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, tulad ng mga pamilyang nagkakaisa sa hapag-kainan, ang mga lider ay nagtataguyod din ng kapayapaan at pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pag-uusap.
Binalikan din ni Pangulong Marcos na ang kanyang ama, si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, ay kabilang sa mga lumagda sa kasunduan 50 taon na ang nakalipas.
“Kalaunan ko lamang lubos na naunawaan na ang dokumentong nilagdaan noong araw na iyon ay higit pa sa isang kasunduan. Isa itong pahayag ng pagtitiwala sa kinabukasan ng ating rehiyon at paniniwalang sa kabila ng ating mga pagkakaiba, kayang itaguyod ng Timog-Silangang Asya ang seguridad sa pamamagitan ng paggalang at pagtutulungan,” diin ng Pangulo.
Iniugnay rin ng Pangulo ang diwa ng kasunduan sa pagpapahalaga ng mga Pilipino sa bayanihan, kung saan nagtutulungan ang mga tao at sabay-sabay na nagdiriwang matapos ang kanilang sama-samang pagsisikap.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ginintuang anibersaryo, inilunsad ng Pilipinas ang isang commemorative postage stamp at isang Sampaguita-inspired anniversary emblem bilang simbolo ng 50 taon ng kapayapaan sa limang kontinente.
Sa pagtatapos ng programa, nanawagan si Pangulong Marcos sa mga lider na ipagpatuloy ang pagtataguyod sa mga prinsipyo ng kasunduan.
“Nawa’y ipaalala ng gabing ito na ang bawat matibay na ugnayan ay nagsisimula sa pag-uusap, ang bawat pangmatagalang pagkakaibigan ay nakabatay sa tiwala sa isa’t isa, at ang bawat makabuluhang pagtutulungan ay nagsisimula sa simpleng kahandaang magsama-sama, makinig sa isa’t isa, at maghanap ng pagkakasundo,” ayon sa Pangulo. KRIS JOSE