MANILA, Philippines- Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inaugural distribution ng cash gifts para sa mga benepisaryo ng Expanded Centenarians Act of 2024.
Nangako rin ang Pangulo na ipagpapatuloy ng administrasyon na iprayoridad ang kapakanan ng mga lolo’t lola.
Tinintahan ang batas noong nakaraang taon, ang Republic Act 11982 ay nagkakaloob ng P10,000 sa senior citizens na umabot na sa edad na 80, 85, 90, at 95. Pinanatili naman ng batas ang P100,000 cash gift para sa centenarians, gaya ng nakasaad sa ilalim ng Centenarians Act of 2016 (Republic Act 10868).
Iniabot ng Pangulo ang cash gifts sa 14 senior citizens sa Palasyo ng Malakanyang, tanda ng pagsisimula ng isang nationwide distribution effort ng sabay-sabay na payouts sa lahat ng rehiyon.
May kabuuang 1,079 senior citizens ang makatatanggap ng cash gifts sa pamamagitan ng nationwide distribution effort na ito.
Ipagkakaloob din ang medical at legal assistance sa payout centers sa pamamagitan ng pagsisikap ng National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Sa kabilang dako, sa naging talumpati ni Pangulong Marcos, binigyang-diin nito ang kahalagahan na tiyakin ang kapakanan ng mga lolo’t lola, iginiit na marami pang dapat gawin para sa mga matatanda sa bansa.
Biniyang-diin nito ang mga pakikibaka sa pananalapi na kinahaharap ng maraming matatanda, sinasabi na 73% ng senior citizens ang nakadepende sa suporta mula sa kanilang mga anak, at 55% naman ng kanilang healthcare expenses ay paid out ng kanilang sariling bulsa.
Sa pagtugon sa mga alalahanin na ito, binanggit ng Pangulo ang ilang inisyatiba para paghusayin ang buhay ng mga senior citizens, kabilang na ang mga benepisyo sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act gaya ng 5% hanggang 20% discount sa iba’t ibang serbisyo; 5% discount para sa utilities gaya ng water at electricity consumption hanggang sa ‘specified limits’; at 20% discount sa transportasyon, medikasyon, healthcare services, at maging recreational activities.
Idagdag pa rito, nagbibigay din ang batas ng free healthcare services para sa mga lolo’t lola sa government health facilities, tinitiyak na makatatanggap ang mga ito ng kinakailangang medical care ng walang financial burden.
“Sa ating mga seniors, nawa’y magkaroon kayo ng marami pang panahon ng kagalakan kasama ang inyong mga minamahal sa buhay. Hiling ko rin na magkaroon po kayo ng mga mas matatamis na kuwento na ibabahagi sa susunod na henerasyon,” ang sinabi pa ni Pangulong Marcos.
Samantala, sa pamamagitan ng NCSC, layon ng pamahalaan na magbigay ng P2.9 billion cash gifts ngayong taon para sa mahigit na 275,000 senior citizens sa buong bansa. Kris Jose