Home METRO PBBM: P100M Jolo airport project pinaplantsa na

PBBM: P100M Jolo airport project pinaplantsa na

MANILA, Philippines- Itinutulak ng gobyerno ang agarang implementasyon ng P100-million Jolo Airport Development Project sa Sulu.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang lahat ng aspeto ng ‘major infrastructure’ na ginagawa ay nakaayos na upang sa makapagsimula na sa lalong madaling panahon.

“Kasabay ng pagbibigay namin ng ayuda ay ang magandang balita tungkol sa ating pagsusulong para sa Jolo Airport Development Project,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isinagawang distribusyon ng presidential assistance sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan.

“Kasalukuyan na po nating binabalangkas ang lahat ng kinakailangan para masimulan na ang proyektong ito at may nakahanda po tayong isandaang milyong piso na para pagsimulan nitong project na ito,” dagdag na wika nito.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa naturang okasyon, iniulat din ng Chief Executive na pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang maritime patrols sa pamamagitan ng Sulu Maritime Police Station para tugunan ang illegal fishing.

Nanawagan din nito sa Sulu local government na suportahan ang kampanya ng pamahalaan para sa kaligtasan ng mga mangingisda.

“Mga kababayan, maka-aasa kayong tutuparin namin ang aming pangakong matulungan kayong lahat, lalung-lalo na ang mga magsasaka, ang mga mangingisda, at ang [inyong mga] pamilya upang masabi naman natin na may pag-asang makamit ninyo ang mas maginhawang pamumuhay,” ayon sa Pangulo.

“Siguraduhin din ninyong [napangangalagaan nang] wasto ang ating kalikasan at huwag abusuhin ang paggamit ng ating mga [pinagkukunang-yaman],” dagdag na wika nito.

Sa kabilang dako, kabilang naman sa Jolo airport project ang konstruksyon ng Passenger Terminal Building ng airport, perimeter fence, administration building, relocation/construction ng fire station building, ‘site acquisition’ para sa runway extension nito at pagwawasto sa runway strip width.

Nagpapatuloy naman ang pagpoproseso sa Memorandum of Agreement kasama ang provincial government para sa project implementation.

“This developed as reports of illegal fishing activities such as the use of dynamite and cyanide are still rampant in Sulu waters. Many fishing vessels are also operating without necessary permits, ” ayon sa ulat. Kris Jose