BALER- Sinabi ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes na naghahanap ng solusyon ang pamahalaan sa P800 milyong proyektong iniwang hindi tapos ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO).
Sa pamamahagi ng presidential assistance sa mga magsasaka, mangingisda at kanilang mga pamilya, sinabi ni Marcos na nagdesisyong i-rebid ang mga kontrata upang matapos ang mga proyekto at programa sa lalong madaling panahon.
”Isa ring hinahanapan natin ng solusyon ay ang mga inabandonang proyekto ng APECO na nagkakahalaga ng halos walong daang milyong piso. Sadyang napakalaking kasayangan ang nangyari po rito na sana ay ngayon ay pinapakinabangan na ng mga mamamayan ng Aurora,” pahayag ni Marcos.
”Kasalukuyang [inaaksyunan na po ito ng] ating APECO president at CEO na si Gil Taway IV at napagdesisyonan na na itigil at i-rebid [na] ang mga kontrata upang tuluyan nang matapos ang mga proyekto sa lalong madaling panahon,” dagdag ng Pangulo.
Itinatag ang APECO, isang green economic zone, upang isulong ang economic growth at development sa Pacific Northeast seaboard. RNT/SA