Home OPINION PBBM: PHILHEALTH PREMIUM  RATE HIKE ILALABAS NA

PBBM: PHILHEALTH PREMIUM  RATE HIKE ILALABAS NA

“Very soon” ang sagot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nang tanungin ang kanyang pasya hinggil sa panukalang 5% premium rate increase ng Philippine Health Insu­rance Corp. (PhilHealth).

Bago tumulak sa Canberra, Australia, sinabi niya sa media na ang naturang panukala ay dumaraan pa sa masusing pag-aaral. Kabilang dito ang siguruhing may magiging benepisyo ang mga miyembro at alamin kung ito ba ay makatarungan.

Isa sa mga kinukunsidera ay ang pagsisikap ng PhilHealth na mapalawak ang kanilang serbisyo at maabot ang mas marami pang tao, ayon sa Pangulo.
Pebrero 23, inanunsyo ni Emmanuel Ledesma Jr. presidente at CEO ng PhilHealth na walang pagtutol ang tanggapan ng Pangulo sa naturang premium rate increase, mula sa 4% itataas sa 5%. Subalit agad binigyang-diin ng Palasyo na bago sila magpasya ay dapat munang siguruhin kung magdudulot ito ng benepisyo sa mga miyembro.

Gayunpaman, nasa mandato ng Republic Act 11223 o Universal Health Care Law ang pagtataas ng PhilHealth contribution rate ng 0.5% kada taon simula noong 2021 hanggang maabot nito ang 5% mula 2024 hanggang 2025.

Kung hindi tututulan ang pagtaas ng premium contribution ni Pangulong Marcos, eto na ang huling pagtaas na naaayon sa Universal Health Care Law.

Kung tumaas ng 1% ang monthly contribution, tataas din ng 30% ang mga benefit package ng PHILHEALTH para ma­kabawas sa out-of-pocket expenditures sa mga Filipinong mayroong karamdaman alinsunod sa isinasaad sa PHILHEALTH Circular No. 2024-001.

Pero paglilinaw ng ahensiya, ang mga pakete na nagkaroon na ng pagbabago sa nagdaang limang taon ay hindi kasama sa mga magtataas na case rates katulad ng dialysis, high risk pneumonia, at ang ischemic at hemorrhagic stroke.

Matatandaan na mula sa 90 sessions ay nasa kabuuang 156 sessions na simula noong taong 2023. Epektibo rin noong nakaraang taon ay nasa Php90,100 ang high risk pneumonia mula sa Php32,000.

Umakyat din sa 150% ang case rate ng stroke. Ang ische­mic stroke ay naging Php76,000 mula sa dating Php28,000, at ang hemorrhagic stroke ay nasa Php80,000 na mula sa dating Php38,000.

Previous articlePagtataas sa cash grant para sa 4Ps beneficiaries binubusisi ng DSWD
Next articleUNTOUCHABLE NA PERYAHAN SA LAGUNA