Home METRO Tiyuhin patay sa pamangkin sa paghanga kay Gretchen Barretto!

Tiyuhin patay sa pamangkin sa paghanga kay Gretchen Barretto!

DAANBANTAYAN, Cebu- Pugot ang ulo at nagkapira-piraso ang katawan ng isang 62-anyos na tiyuhin matapos patayin ng sariling pamangkin nito dahil sa selos makaraang malaman ng huli na ang paboritong niyang artista na si Gretchen Barretto ay hinahangaan din ng una, nitong Lunes sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Cristitulo Broñona Casinillo, habang ang suspek ay kinilalang si Jorge Camay Casinillo, 52, at kapwa residente ng Sitio Malaumon, Barangay Tinubdan, Daanbantayan, Cebu.

Ayon kay Police Senior Master Sgt. Alfredo Mandal, chief investigator ng Daanbantayan Police Station, bandang alas-8 ng umaga nang maganap ang krimen sa harap ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, hawak ng biktima ang kanyang alagang manok sa labas ng bahay nang bigla na lamang siyang lapitan ng suspek na armado ng itak saka pinagtataga ang tiyuhin.

Kwento ng ilang saksi, hindi pa nakuntento ang suspek at pinagpira-piraso ang katawan ng biktima saka pinutol ang ulo at sa takot ay hindi nila ito nagawang sawayin.

Mabilis namang rumesponde ang mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen at naabutan ang suspek saka tinanong kung saan nito itinapon ang itak na ginamit sa krimen.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek na nagalit siya sa kanyang tiyuhin dahil sa selos nang malaman niyang si Gretchen Barretto na kanyang hinahangaan ay idolin rin ng biktima.

Nadiskubre ng pulisya na gumagamit ng ilegal na droga ang suspek.

Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay ang suspek. Mary Anne Sapico

Previous articleDSWD nagpaabot ng P26.9M tulong sa flood-hit families sa Mindanao
Next article5 kasama 3 menor-de-edad arestado sa Taguig follow-up ops