Home NATIONWIDE PBBM, pinaigting kampanya laban sa pagpupuslit ng ilegal na droga

PBBM, pinaigting kampanya laban sa pagpupuslit ng ilegal na droga

1
0

MANILA, Philippines – Mas pinaigting ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kampanya laban sa pagpupuslit ng ilegal na droga matapos masamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang mga hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P560 milyon sa magkakahiwalay na operasyon sa mga pangunahing paliparan sa bansa.

Sa isang press briefing sa Malakanyang, binanggit ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang tatlong kamakailang operasyon ng BOC.

Kabilang dito ang pagsamsam noong Oktubre 5 ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng PhP496.4 milyon na itinago sa loob ng mga makinarya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Noong Oktubre 12, nakumpiska rin ang mga ilegal na droga na nagkakahalaga ng P43.7 milyon mula sa walong parsel na walang umangkin. Samantala, napigilan naman noong Oktubre 6 ang tangkang pagpupuslit ng ketamine na nagkakahalaga ng P20.7 milyon sa Clark International Airport.

Ayon kay Castro, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang kargamento ng droga na nasabat sa tulong ng mga awtoridad mula sa Laos at Thailand ay nakatakdang ipadala sa Mindanao.

Binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng patuloy na pakikipagtulungan sa mga karatig-bansa upang mapigilan ang pagpupuslit ng ilegal na droga sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Castro na mahalaga ang tuloy-tuloy na koordinasyon ng BOC, PDEA at Philippine National Police (PNP) upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa mga komunidad at matiyak na mapapanagot ang mga nasa likod ng mga naturang gawain. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here