MANILA, Philippines – PINAALALAHANAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga kandidato na sasabak ngayong 2025 local elections na huwag pairalin ang init ng ulo at sa halip ay isipin na pumasok sa serbisyo publiko upang tulungan ang taumbayan.
“Huwag natin sana makakalimutan ‘yan. At pagkatapos ng halalan, alam ko kung minsan napakahirap na magpalamig ng ulo ulit. Ngunit, kailangan nating gawin yun dahil kailangan natin ang lahat na mga gustong tumulong na magkapit- bisig upang magtulungan,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos sa isinagawang 2025 League of Municipalities of the Philippines General Assembly sa Fiesta Pavilion ng Manila Hotel, sa Lungsod ng Maynila.
Ang nasabing event ay may temang “Legacy of Leadership, Sustainable Future: Leaders Building Together for National Progress”
Sa kabilang dako, sinabi ng Pangulo na hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat at batay na rin sa kanyang naging karanasan, ang pinakamaiinit na eleksyon ay ang labanan sa lokal na pamahalaan.
“As a matter of fact, palagay ko, siguro mag-agree kayo sa akin, mga mayor kayo, nakikita ninyo ito. Ang pinakamainit na eleksyon ay barangay, e, dahil puro magkakakilala, puro magkakamag anak kaya nagkakapersonalan,” aniya pa rin.
“Mainit pa rin kahit sa municipality and tama ‘yan, that is the process of democracy, kailangan nating dumaan sa eleksyon, kailangan natin makuha ulit ang mandato ng tao upang magawa natin ang ating trabaho,” dagdag na wika nito.
Subalit, kahit aniya na mainit na nga ang labanan, maanghang na ang mga binibitawan na salita, sa puno’t dulo nito ay ginagawa naman niya ang lahat para makatulong sa mga mamamayang Filipino.
Samantala, anim na linggo na lamang aniya ang ipaghihintay ng lahat at papasok na ang campaign period. Kris Jose