MANILA, Philippines – PINARANGALAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes, Enero 22, ang mga natatanging kabataang lider ng bansa sa The Outstanding Young Men (TOYM) 2025 Awarding Ceremony sa Malacañan Palace, at hinimok silang ipagpatuloy ang pamumuno nang may integridad at malasakit sa kani-kanilang larangan.
Sa kanyang mensaheng binasa ni Executive Secretary Ralph G. Recto, binigyang-diin ng Pangulo na mula nang itatag ito noong 1959, ipinakita ng TOYM Awards na hindi hadlang ang edad sa kahusayan sa pamamagitan ng pagkilala sa mga kabataang Pilipinong tapat sa makabuluhang paglilingkod sa bayan.
“Sa loob ng mahigit anim na dekada, kinilala ng TOYM ang mga kabataang Pilipino na piniling itaguyod ang mga komunidad at hubugin ang kinabukasan ng ating bansa,” ani Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang tema ng TOYM ngayong taon, “Excellence in Action, Building a Better Tomorrow,” ay angkop na sumasalamin sa mga pagpapahalagang kailangan upang lumikha ng pangmatagalang epekto, kung saan laging umiiral ang kahusayan sa bawat gawain upang mapabuti ang buhay ng kapwa Pilipino.
Pinuri ng Pangulo ang mga awardees sa pagpapakita ng tapang, paninindigan, at kahusayan sa kani-kanilang larangan.
Unang pinarangalan ng Punong Ehekutibo si Atty. Raymond Marvic Baguilat sa paggamit ng kanyang husay sa batas upang ipagtanggol ang mga katutubo at matiyak na maisama ang kanilang mga karapatan sa sistemang legal at pang-edukasyon ng bansa.
Kinikilala rin ng Pangulo si Rafael Ignacio Dionisio sa kanyang makabagong pagsisikap na bigyang-kapangyarihan ang mga komunidad ng Aeta sa Zambales sa pamamagitan ng pagpapanumbalik ng kagubatan at pagtatag ng mga pangmatagalang kabuhayan na nagtataguyod ng kapakanan ng tao at nagpoprotekta sa kalikasan.
Pinuri rin ni Pangulong Marcos si Dr. John Jamir Benzon Aruta sa kanyang pangunguna sa pag-uugnay ng pagbabago ng klima at kalusugang pangkaisipan, st sa pagtatatag ng institusyong nagpapakita kung paanong nakaaapekto sa kapakanan ang pagkawala ng kapaligiran, lalo na sa Global South.
Gayundin, pinarangalan ng Pangulo si Dr. Deo Florence Onda, isang oceanographer, sa kanyang mga tagumpay bilang kauna-unahang Pilipino na nakarating sa Emden Deep, ang ikatlong pinakamalalim na bahagi ng mundo, sa pamumuno ng mga siyentipikong ekspedisyon sa West Philippine Sea, at sa pagsusulong ng mahahalagang pananaliksik hinggil sa polusyon mula sa plastik sa dagat at microbial ecology.
“Bawat isa sa inyo ay nagpapatunay na ang pamumuno ay nangangailangan ng malalim na layunin. At ikinagagalak kong narito kayo upang ibahagi ang layuning iyon at ang inyong mga talento sa kapwa Pilipino,” ani Pangulong Marcos.
“Sa pamamagitan ng inyong mga gawa, at higit sa lahat, sa epekto ng inyong nagawa, tiyak kong nasa mabuting kamay ang Pilipinas,” dagdag na pahayag nito.
Hinimok ng Punong Ehekutibo ang mga awardees na magpatuloy na mamuno nang may integridad at kumilos nang may malasakit sa kanilang mga larangan, at binigyang-diin na inaabangan ng bansa ang kanilang mga susunod na tagumpay.
Nagpahayag ng pasasalamat si Pangulong Marcos sa Junior Chamber International Philippines at sa TOYM Foundation sa pagpapatuloy ng tradisyong humahamon sa mga kabataang Pilipino na maglingkod at magtagumpay.
Hinimok din ng Pangulo ang kabataang Pilipino na kumuha ng inspirasyon mula sa mga awardees at itaas ang pamantayan para sa sarili, at binigyang-diin na nagiging posible ang kahusayan kapag ang talento ay ginagamit sa paglilingkod sa kapwa.
“Nawa’y huwag nating kalimutan ang dahilan kung bakit natin ginagawa ang gawaing ito, kung bakit tayo naglilingkod, at kung bakit tayo bumabangon araw-araw, at iyon ay upang bumuo ng mas mabuting kinabukasan para sa lahat,” pagtatapos ng Pangulo. Kris Jose