NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na magpartisipa sa mga darating na midterm elections sa pamamagitan ng bagong sistema ng Commission on Elections (Comelec) na Online Voting and Counting System (OVCS).
Sa kanyang video message, ipinahayag ng Pangulo na ang OVCS ay magbibigay daan para sa mas accessible na proseso ng pagboto at masisiguro ang bawat boto ng mga overseas voters.
“Tuluy-tuloy po ang overseas voting para sa Halalan 2025. Ito po ang inyong pagkakataong makilahok sa kinabukasan ng ating bayan,” ani Pangulong Marcos.
Binanggit ng Pangulo na ang bagong sistema ng online voting ay tinatanggal ang mga tradisyonal na hadlang tulad ng mahabang pagbiyahe at pagbabalik-balik na pila, kaya’t mas madali na para sa mga overseas Filipinos na magparticipate sa demokratikong proseso.
“Ngayon, mas madali na ang pagboto. Kahit nasaan kayo sa mundo, hindi na kailangang pumila o bumiyahe. Sa pamamagitan ng online voting, maipapahayag ninyo ang inyong boses ng mabilis, ligtas, at maayos,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Hinikayat din ni Pangulong Marcos ang mga botante na mag-isip ng mabuti at maging maingat sa pagpili ng kanilang mga kandidato.
“Gamitin natin ang karapatang ito. Piliin natin ang kandidatong may malasakit, kakayahan, at may paninindigan. Sa tamang pagpili, sama-sama nating buuin ang isang Bagong Pilipinas,” wika pa nito.
Samantala, ang Commission on Elections (Comelec) ay inaprubahan na ang extension ng enrollment period para sa mga overseas voters na nais mag-register para sa internet voting gamit ang OVCS hanggang May 10. Ang extension ay layuning bigyan ng pagkakataon ang mas maraming overseas Filipinos na makapagrehistro at makilahok sa darating na halalan.
Ang proseso ng rehistrasyon ay maaaring kumpletuhin online sa pamamagitan ng website ng Comelec: https://ov.comelec.gov.ph/enroll. Kris Jose