Home NATIONWIDE Sorsogon gov pinadidiskwalipika sa sinasabing koneksyon sa NPA

Sorsogon gov pinadidiskwalipika sa sinasabing koneksyon sa NPA

Naghain ng petisyon si Revor Jesoro Lasay, lider ng Unified Local Opposition (ULO) sa Sorsogon, upang ipawalang-bisa ang kandidatura sa muling pagtakbo ni Sorsogon Governor Jose Edwin “Boboy” Hamor.

Isinampa ang petisyon noong Abril 30 sa Commission on Elections (COMELEC), batay sa umano’y pampublikong pag-amin ng gobernador na may ugnayan siya sa New People’s Army (NPA), isang grupong idineklarang terorista sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

Sa isang 48-segundong video na kumalat sa Facebook noong Marso 12, maririnig umano si Hamor na nagsasabing: “May pulis ako, may sundalo ako, may NPA ako. Realidad ang sinasabi ko. Gobernador baga ako.”

Ginamit ito ng petisyoner bilang ebidensya ng paglabag sa Omnibus Election Code, Republic Act No. 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020), at sa Revised Penal Code.

Ipinunto rin ng petisyon na ang naturang pahayag ay maaaring magdulot ng takot at pananakot sa mga botante at magbanta sa kaayusan ng halalan. Isinumite rin ang mga ulat mula sa media at liham ng AFP/PNP-ELCAC na nananawagan ng imbestigasyon ukol sa insidente.

Bukod sa diskwalipikasyon, nagsampa rin si Lasay ng petisyon noong Mayo 5 upang ilagay sa ilalim ng COMELEC control ang lalawigan ng Sorsogon dahil umano sa lumalalang banta sa seguridad at sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng gobernador.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng COMELEC ang kaso. RNT