MANILA, Philippines — Sinubukan nina Ronald Cardema ng Duterte Youth party-list at ng kanyang asawang si Duceille Marie na magsampa ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes, ngunit hindi ito natanggap dahil wala ang House Secretary General.
“The Office of the SecGen is not accepting it, because wala raw ngayong araw na ito ang SecGen,” ani Cardema, sabay diin na ang opisina, at hindi ang tao mismo, ang dapat tumanggap.
Nakatakda silang muling magsampa sa susunod na linggo.
Sa kanilang 24-pahinang reklamo, inakusahan nila si Marcos Jr. ng paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko sa umano’y pagpapahintulot sa pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte batay sa warrant ng International Criminal Court (ICC).
Giit nila, nawala kay Duterte ang karapatang sumailalim sa due process.
Naaresto si Duterte noong Marso 11 pagbalik niya mula Hong Kong, dahil sa mga alegasyon na siya ay nagtatag at nagpondo ng mga death squad noong kanyang administrasyon. Humarap siya sa ICC judges via video noong Marso 14 at may nakatakdang pagdinig sa Setyembre 23. RNT