Home NATIONWIDE PBBM sa PNPA grads: ‘Piliin ang marangal kahit walang parangal’

PBBM sa PNPA grads: ‘Piliin ang marangal kahit walang parangal’

MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga graduate ng Philippine National Police Academy (PNPA) na maglingkod nang may dignidad kahit pa walang parangal at panindigan ang tama kahit walang nakakakita.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang ika- 46 Commencement Exercises ng Philippine National Police Academy ”Sinaglawin” Class of 2025 sa Silang, Cavite. Ang PNPA Sinaglawin Class of 2025 ay binubuo ng 206 graduates, may 168 lalaki at 38 naman ang mga babae.

”Sa mundo natin ngayon, madalas pinagtatalunan ang katotohanan at madaling maligaw ang katapatan, hinihiling ko sa inyo: Piliin ang marangal kahit walang parangal at ang paninindigan na tama kahit walang nakakakita,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati.

”My dear officers, this country will never ask you to be perfect. But it will ask you to be present. Be there. Let our people feel your presence, feel the presence of the law enforcers, feel the presence of the law,” dagdag na wika nito.

Sinabi pa rin ng Chief Executive sa mga graduate na magkakaroon ng mga sandali kung saan ang kanilang mga prinsipyo at mga paniniwala ay susubukin.

”But whenever those days come and doubts creep in, remember who you are and why you chose this path,” ani Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, hiniling naman ng Chief Executive sa mga ito na laging ipasok sa kanilang mga puso o isapuso ang kanilang panunumpa sa Republika, tungkuling itaguyod at ipagtanggol ang Konstitusyon at ang responsibilidad sa mga mamamayan ng bansa.

Sa kabilang dako, si Cdt. Marc Joseph Vitto, ang recipient ng Journalism Kampilan, Best in Forensic Science, at Best in Education awards, ang nanguna sa klase.

Si Vitto, nagmula sa Oriental Mindoro, ay napiling italaga sa PRO12.

May temang ”Kapulisan Na May Malasakit at Integridad, Sandigan ng Kaayusan ng Sambayanan,” ang Cadet Corps ng PNPA ay nagsagawa ng Parade and Review para magbigay galang sa Pangulo at sa Class.

Ang class name, nanggaling mula sa sinag at lawin (hawk), sumasalamin sa misyon ng mga kadete na maging mapagbantay, matapang at puno ng pag-asa bilang mga future leaders sa kaligtasan ng publiko. Kris Jose