MANILA, Philippines – Naniniwala ang mga mambabatas mula sa Makabayan bloc na tutol si Pangulong Marcos sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte dahil natatakot siya sa posibleng paghihiganti.
Ayon kay ACT Teachers Rep. France Castro, pinipigilan ni Marcos ang proseso dahil baka siya rin ang maharap sa kaparehong sitwasyon.
“Makikita natin, umpisa palang na pinag-uusapan ang impeachment, meron syang ginagawang pagpipigil sa mga miyembro ng House. Kaya baka takot din sya na mangyari sa kanya yung impeachment,” ani Castro.
Dagdag ni dating Gabriela Rep. Liza Maza, kung may anomalya at kriminal na pananagutan si Duterte, maaaring maghiganti siya o ang kanyang mga kaalyado laban kay Marcos dahil sa malaking confidential funds nito.
“Siguro nakikita nya na pag nag-proceed ito at napatunayan na may anomalya nga, may criminal liability si Vice President Sara Duterte, eh baka sa susunod sya naman ang ma-resbakan dahil alam din naman natin na napakalaki ang confidential funds ng pangulo, dagdag ni Maza.
“Actually pwede pa nga sabihin nya na ipush ang impeachment… Pero ngayon napakalinaw din na takot na takot si Presidente Marcos sa kahihinatnan ng impeachment na ito,” aniya pa.
Inakusahan naman ni Kabataan Rep. Raoul Manuel si Marcos na nakikialam upang itago ang sariling mga isyu. RNT






