MANILA, Philippines – WALANG alam at ideya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa di umano’y planong pag-uugnay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa dalawang kaalyadong senador nito kay Alice Guo at sa POGO-related crimes.
Tinanong kasi si Pangulong Marcos ukol sa alegasyon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senate hearing na mayroong isang tao mula sa Malakanyang ang ginamit si Jennifer Francisco alyas Mary Maslog ang mag-ugnay sa kanya (Senador Bato), at sa iba pang kaalyado nito sa nakaraang administrasyon kay Alice Guo at sa POGO.
“No, I don’t know anything… I don’t know who this person is,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam.
Tinukoy ang impormasyon na nakarating sa kanya, sinabi ni Dela Rosa na umano’y gagamitin ng Malakanyang si Francisco para idawit si Police Major General Romeo Caramat Jr.
Sinabi ni Francisco sa Senate inquiry na pinakiusapan siya ng Philippine National Police Intelligence Group (PNP-IG) na kausapin si Guo, nahaharap sa criminal charges, para sa pagsuko nito sa mga awtoridad.
Si Maslog ay idinadawit sa P24-million textbook procurement scam noong 1998, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Matatandaang noong Setyembre 25 ay inaresto ng NBI si Francisco at sinasabing nabuo sa pamamagitan ng fingerprints na siya nga si Maslog, na ang kaso ay binasura ng Sandiganbayan matapos na ipahayag sa korte ang kanyang pagkamatay noong 2019. Kris Jose