MANILA, Philippines- Walang nakikitang anumang dahilan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para palitan sa kanyang gabinete si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa gitna ng bangayan sa pagitan ng huli at ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
“Why? I don’t see the reason behind that,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang panayam sa Occidental Mindoro.
”Any of the Cabinet secretaries will be replaced kapag hindi nila ginagawa ‘yung trabaho nila. All the other things are not part of the discussion,” dagdag na wika ng Pangulo.
“Kapag hindi talaga marunong o corrupt, tatanggalin ka talaga namin. Hindi naman ganoon si Inday,” binigyang-diin ng Pangulo.
Sa ulat, hindi ikinaila ni Unang GInang Liza na masama ang kanyang loob kay Duterte dahil sa pag-akusa ng ama ng huli na gumagamit ng ilegal na droga si Pangulong Marcos.
Sa teaser video ng “TUNE in kay Tunying,” sinabi ng Unang Ginang na nasaktan siya nang dumalo si Duterte sa isang pagtitipon kung saan tinawag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “bangag” si Pangulong Marcos.
“For me, nasaktan ako because my husband will do everything to protect you. You ran together ‘di ba—sama sama tayong babangon muli,” sabi ni Liza Marcos sa host ng programa na si Anthony Taberna.
“Pupunta ka sa rally, tatawagin ‘yung Presidente mong ‘bangag,’ ‘di ba, you’re going to laugh? Tama ba ‘yan? Even Leni [Robredo] never did that,” dagdag ng Unang Ginang.
Sa kabilang dako, tanggap naman ni Vice President Sara Duterte ang naramdamang sama ng loob at galit sa kanya ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
Para kay VP Sara, wala naman kasing kinalaman sa kanyang mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan ang ‘personal feelings’ ng Unang Ginang.
Ito ang sinabi ni VP Sara sa isang video message kasunod ng kontrobersyal na panayam sa Unang Ginang kung saan inamin nito na masama ang kanyang loob sa una matapos na tawagin ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang asawa na “bangag” o high on drugs.
“Mga kababayan, bilang tao, karapatan ni Unang Ginang Liza Marcos na makaramdam ng sama ng loob at galit. Subalit ang kanyang personal na damdamin ay walang kinalaman sa aking mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan,” ayon kay VP Sara. Kris Jose