Home NATIONWIDE PBBMA kinilala ng OIC sa umiiral na pagkakaisa sa BARMM

PBBMA kinilala ng OIC sa umiiral na pagkakaisa sa BARMM

Manila, Philippines – Kinilala ng Council of Foreign Ministers ng Organization of Islamic Cooperation  si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa kanyang matatag na suporta at inisyatiba para sa kapayapaang pangkalahatan at kaunlaran sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa 51st session ng OIC Council na ginanap sa Istanbul, Turkey noong Hunyo, binigyang-diin ng konseho ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na implementasyon ng peace process sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front.

Ayon sa OIC, kailangang mas paigtingin pa ng magkabilang panig ang pagkakaisa at kooperasyon upang mapanatili ang katatagan sa rehiyon.

“Noting the full and unwavering commitments expressed by the President of the Republic of the Philippines Ferdinand Marcos Jr. to the Bangsamoro peace process and welcomes his strong commitments to push for unity, inclusivity, socioeconomic development and interventions to promote peace and development in BARMM,” sabi ng konseho.

Kinilala rin nito ang mga hakbangin ng administrasyon ni Marcos na naglalayong paunlarin ang socio-economic landscape ng BARMM, kabilang na ang pagpapatatag ng local governance, pagbibigay ng technical at humanitarian aid, at pagbuo ng mga institusyong nakatuon sa pangmatagalang kapayapaan at pagkakaisa.

Hinikayat naman ng OIC ang kanilang mga miyembro at mga kaakibat na organisasyon na palawakin pa ang suporta sa BARMM.

Ayon sa organisasyon, dapat pataasin ang antas ng medical, educational, technical, at economic assistance upang mapabilis ang pag-unlad ng rehiyon.

“Urging OIC member-states, subsidiary organs, specialized institutions, and affiliated institutions, including other stakeholders, to increase the volume of their medical, humanitarian, economic, social, educational, and technical assistance to develop the BARMM to accelerate socioeconomic development,” dagdag pa ng konseho.

Samantala, muling ipinaalala ni Pangulong Marcos sa mga bagong halal na miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang tungkulin nilang pangalagaan ang kapayapaan sa rehiyon.

“We have collectively achieved remarkable progress in the Bangsamoro peace process. It is our shared responsibility to protect these gains and to ensure their uninterrupted advancement,” sabi ni PBBM.

Sa panig ng mga lokal na lider ng BARMM, pinuri naman ni Member of Parliament (MP) Atty. Naguib Sinarimbo ang papel ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr. sa tuloy-tuloy na koordinasyon sa pagitan ng national government at rehiyon lalo na sa pagdadala ng mga hinaing at isyung lokal sa pambansang antas.

Kasama rin sa naturang resolusyon ang pagtatayo ng Bangsamoro Normalization Trust Fund na hahawakan ng World Bank upang suportahan ang development activities sa mga post-conflict areas sa BARMM.

Kasalukuyan pa ring nasa transition period ang lalawigan sa ilalim ng pamumuno ni Chief Minister Abdulraof Macacua na naghahangad ng kapayapaan at pagkakaisa sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa darating na Oktubre 2025. RNT