Home OPINION PCG AT PCGA EXECUTIVE SQUADRON NAGHATID NG TULONG SA MGA NAAPEKTUHAN NG...

PCG AT PCGA EXECUTIVE SQUADRON NAGHATID NG TULONG SA MGA NAAPEKTUHAN NG KALAMIDAD AT OIL SPILL

Matapos hagupitin ng pinagsamang habagat at ni Super Typhoon Carina ang mga naninirahan sa coastal community ng Cavite. Ang oil spill mula sa lumubog na tanker sa bahagi ng Bataan ay nagpahirap sa kabuhayan ng mga mangingisda na umaasa lamang sa Manila Bay para sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Ang insidenteng ito ay nagdulot ng malaking suliranin sa mga mangingisda dahil nawalan sila ng pagkakakitaan at pagkain.
Dahil dito, ang Philippine Coast Guard (PCG) na pinangungunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, katuwang ang Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) Executive Squadron, ay kaagad na nagtungo sa mga bayan ng Tanza at Ternate sa lalawigan ng Cavite upang makapaghatid ng kinakailangang tulong.
Sa mga ganitong pagkakataon ng trahedya, ang mga miyembro ng PCGA Executive Squadron ay agarang nagbigay ng donasyon mula sa kanilang makakaya. Pinagsasama-sama ito at ipinambili ng kakailanganin ng apektadong komunidad.
Naglunsad ng pinagsamang relief effort para sa 500 mangingisdang naapektuhan ng oil spill sa Bataan ang PCG at ang PCGA Exe­cutive Squadron noong ika-6 ng Agosto sa Tanza at Ternate, Cavite.
Naghanda at namahagi ng relief packs ang PCGA Executive Squadron, Coast Guard Civil Relations Service (CGCRS), Coast Guard District National Capital Region – Central Luzon, Coast Guard Station Cavite, at Coast Guard Sub-Station Tanza at Ternate para sa mga apektadong mangingisda.
Ang relief packs ay naglalaman ng pagkain, bigas, biscuit, sardinas, corned beef, kape, bihon, toyo, suka, patis at iba pang pangunahing pangangailangan upang matulungan silang makabangon mula sa trahedya.
Ang inisyatibong ito ay naglalayong magbigay ng mahahalaga at nararapat na suporta sa mga  mangingisda sa gitna ng pagsubok na kanilang pinagdaraanan. Ayon sa PCGA Executive Squadron, “Ang pangunahing layunin ay magbigay ng suporta sa mga mangingisda na naapektuhan ng oil spill sa Bataan.” Ang relief effort na ito ay sumasalamin sa matatag na pangako ng PCG at PCGA Executive Squadron na tumulong sa mga nangangailangan.
Sa panahon ng krisis, ang PCGA Executive Squadron ay nagkakaisa upang maghatid ng agarang tulong.
Matatandaan na noong ika-28 ng Hulyo ay namahagi rin ng tulong ang PCG at PCGA Executive Squadron sa 500 pamilyang na­apektuhan ng bagyong Carina sa PCG Farola Compound, Maynila. Kada pamilya ay nakatanggap ng pagkain, inuming tubig, damit, tsinelas, at kumot.
Kasabay ng distribusyon, nagsagawa rin sila ng feeding prog­ram kung saan mayroong 2,000 indibidwal na pansamantalang nanunuluyan sa Delpan evacuation center ang napakain ng CGCRS at PCGA Executive Squadron ng Chicken Lugaw.
Ang lahat ng mga aktibidad na ito ay naglalayong magbigay ng komprehensibong suporta sa mga komunidad upang matulungan silang makabangon at maging handa sa hinaharap. Ang dedikasyon ng PCG at CGCRS sa paglilingkod at pagtulong sa kapwa ay isang patunay ng kanilang walang pagod na pagsisikap para sa kapakanan ng bawat Pilipino.