MANILA, Philippines – Kasalukuyan nang ipinoproseso ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) sa Batangas ang pagrerehistro sa salitang “kapeng barako” o liberica coffee sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) upang masiguro ang marka at matibay na branding nito bilang local coffee product.
Tinutukoy ng Intellectual Property Code ang collective mark bilang “any visible sign designated as such in an application for registration and capable of distinguishing the origin or any other common characteristic.”
Sa panayam nitong Huwebes, Agosto 8, sinabi ni OPAg head Rod Bautista na binuo ang technical working group (TWG) noong Mayo para sa naturang hakbang at magkikita sa Agosto 22 para pag-usapan ang kasaysayan, etymology, produksyon at scientific components ng “kapeng barako” bilang bahagi ng requirements para sa pagpaparehistro.
“We have gathered Batangueños in different fields as part of our collaborative effort to promote the cultural heritage of our coffee industry. The TWG is composed of historians, academicians, coffee farmers, and other stakeholders,” ani Bautista.
Ito ay bahagi ng legasiya ni Governor Hermilando Mandanas na nais nito bago matapos ang kanyang termino sa susunod na taon.
Kabilang sa bahagi ng hakbang ng pamahalaan ay ang pagbibigay edukasyon sa mga magsasaka sa rehabilitasyon ng lumang “coffea liberica” trees para pataasin ang local productivity maging ang pag-apply ng multi-cropping techniques para magamit ang mawalak na lupain.
Sinisiguro ng OPAg na ang DNA (deoxyribonycleic acid)-tested seeds ay ginagamit sa pagtatanim ng mas maraming “liberica” coffee trees sa kanilang nursery facility.
Hinimok ni Bautista ang mga mamamayan na makibahagi sa aktibong promosyon ng mga aktibidad na ilulunsad sa social media platforms.
Samantala, sinabi ni Arnold Malbataan, pangulo ng Batangas Coffee Farmers Federation (BaCoFFEd) na, “Kapeng Barako has been part of our identity as Batangueños and Lipeños such that its registration will strengthen our identity as coffee farmers and shall further enrich our history in the province.”
Sa oras na mairehistro sa IPOPHL, ang local coffee industry ay magkakaroon ng mas malaking market katulad ng mangga ng Guimaras at pili nuts sa Bicol.
Nagpasalamat naman ito sa provincial government, Batangas State University (BSU) at De La Salle-Lipa (DLSL), IPOPHL, at Department of Trade and Industry (DTI), sa pagbibigay ng technical support sa pagsasapinal ng collective mark registration. RNT/JGC