Home NATIONWIDE PCG: BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal ‘di permanenteng outpost

PCG: BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal ‘di permanenteng outpost

MANILA, Philippines- Sa kabila ng mahigit dalawang buwang deployment sa Escoda (Sabina) Shoal sa West Philippine Sea (WPS), hindi sinasadyang isadsad ang barko doon tulad ng ginagawa ng  Armed Forces. of the Philippines (AFP) sa Philippine Navy warship BRP Sierra Madre (LS-57) sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.

Iginiit ni Commo. Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa WPS, nitong Sabado, Hulyo 6,  hindi magiging “second BRP Sierra Madre” ang BRP Teresa Magbanua.

“I think describing [BRP] Teresa Magbanua as the second [BRP] Sierra Madre is a misplaced demonstration of appreciation of troops,” sabi ni Tarriela sa press briefing.

Ang BRP Teresa Magbanua, isang 97-meter multi-role response vessel na nakuha ng Pilipinas mula sa Japan, ay ang flagship vessel ng PCG. Ito ang pinaka-advanced at pinakamahal na asset sa imbentaryo ng PCG at ang sister ship nito ay ang BRP Melchora Aquino (MRRV-9702).

Samantala, ang BRP Sierra Madre ay isang sira-sirang barkong pandigma noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig na sinadyang isadsad sa Ayungin Shoal noong 1999 upang magsilbing permanenteng outpost ng militar.

Sa kabilang banda, sinabi ni Tarriela na ang BRP Teresa Magbanua ay “nananatiling nagpapatrolya at nananatiling gumagalaw,” at hindi nakatigil.

Sinabi ni Tarriela na ang deployment ng BRP Teresa Magbanua ay hindi nangangahulugan na nagtatayo na ng permanenteng outpost ang PCG sa Escoda Shoal.

“Outpost is something permanent. This is a vessel that patrols the Escoda Shoal and the immediate vicinity of Escoda Shoal,” sabi ni Tarriela. Jocelyn Tabangcura-Domenden