MANILA, Philippines — Ginamitan umano ng long-range acoustic device (LRAD) ng isang barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa baybayin ng Zambales sa West Philippine Sea nitong Sabado.
Ayon sa PCG, ang CCG-3103, na pumalit sa CCG-3304 sa “iligal na pagpapatrolya” sa lugar, ang unang gumamit ng LRAD laban sa BRP Cabra, isang 54-metrong barko na nagbabantay sa baybayin ng Zambales.
Ayon sa mga tripulante, ang LRAD ay isang aparato na naglalabas ng tunog na may mataas na decibel, na maaaring magdulot ng pananakit at pinsala sa pandinig. Iniulat din ng PCG na ang CCG-3103 ay sinamahan ng “monster ship” na CCG-5901.
Sa ulat ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, ang mga barko ng CCG ay nananatili sa layong 90 hanggang 95 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales, na pasok pa rin sa 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Idiniin ni Tarriela na ang PCG ay determinadong huwag palalain ang tensyon, kaya’t tuluy-tuloy ang pagbabantay sa mga iligal na presensiya ng CCG. “Gumagawa kami ng hourly radio challenges kahit sa dis-oras ng gabi para ipahayag ang aming soberanya,” ani Tarriela.
Noong Biyernes, tatlong barko ng CCG at isang helicopter mula sa People’s Liberation Army-Navy (PLAN) ang nang-abala sa mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Pagbuaya at BRP Datu Bankaw malapit sa Sandy Cay. Dahil dito, napilitan ang BFAR at PCG na itigil ang marine scientific surveys at sand sampling.
Muli namang maghahain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China. “Hindi lang ito tungkol sa pagsasabing ‘Huwag niyo nang gawin,’ kundi sa patuloy na pagtataguyod ng ating soberanya,” ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega.
Patuloy namang iginiit ng China ang kanilang “indisputable sovereignty” sa Spratly Islands, kabilang ang Sandy Cay, na tinatawag nilang Tiexian Reef. Sinabi ng Beijing na itinaboy nito ang mga barko ng Pilipinas alinsunod sa kanilang batas.
Bagamat ipinawalang-bisa ng 2016 Hague ruling ang mga pag-aangkin ng China, patuloy na hindi kinikilala ng Beijing ang nasabing desisyon. RNT