Home NATIONWIDE PCG: Ilang vloggers bahagi ng nagpapakalat ng fake news sa WPS

PCG: Ilang vloggers bahagi ng nagpapakalat ng fake news sa WPS

MANILA, Philippines- Kinilala ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela nitong Martes ang social media influencers na bahagi ng kampanya sa pagpapakalat ng maling pahayag sa posisyon ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Sa ika-apat na pagdinig ng House Tri Committee, sinabi ni Tarriela na napansin nila ang pagdami ng fake news kaugnay ng WPS sa loob ng dalawang taon.

Sinabi ni Tarriela na ang mga influencer o “initiators” ang nagsisimula ng pag-uusap na sumasalungat sa aktwal na salaysay.

Ipinaliwanag ng PCG na may apat na antas sa likod ng aniya ng tinawag niyang “coordinated campaign.”

Pagkatapos ng initiators o nagpasimula, may mga “disseminator” na mga account at walang network, ngunit maaaring kumalat o magpalaki ng nilalaman mula sa “mga nagpasimula.”

Ang susunod na antas ay ang mga “reposters” o kapwa Pilipino, na maaaring sumuporta sa mga “initiators” o mga politiko na sumasang-ayon sa maling salaysay.

Sinabi ni Tarriela na ang huling antas ay ang pangkalahatang publiko, na pinakaapektado.

Sinabi ni Tarriela na nagpapatuloy ang fake news sa kabila ng paglalabas nila ng mga ulat ng mga insidente sa China, kumpleto sa mga larawan at video.

Kinilala ni Tarriela ang dalawang vlogger, sina Anna Malindog Uy at Ado Paglinawan, bilang ilang influencer na nag-post sa publiko ng pro-China content.

Ayon kay Tarriela, hindi nila matiyak kung ang mga taong ito ang nasa likod ng mga account at kung sila ay mga tunay na indibidwal.

Hiniling ng mga mambabatas na maimbitahan sa susunod na pagdinig ang nabanggit na vloggers. Jocelyn Tabangcura-Domenden