NEGROS OCCIDENTAL- Arestado ang isang kelot matapos makuhanan ng P13.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-6 sa bayan ng Calatrava.
Kinilala ang nadakip na suspek sa pangalang Khent Bryle, 23, at taga-Barangay Suba, Calatrava dati na rin nahuli sa kaparehong kaso.
Batay sa report ng PDEA 6, nadakip ang suspek noong Lunes ng gabi sa Barangay Bantayanon, ng nasabing bayan.
Nakuha sa suspek ang dalawang vacuum-sealed plastic packs na naglalaman ng shabu, P2 million boodle money, dalawang aluminum plastic packs, red eco-bag, at brown paper bag.
Sinabi ng PDEA-6 na ang packaging ng mga kontrabando ay gaya ng naunang nakumpiska na selyado sa isang Chinese tea bag, pero ngayon ang nakaimprenta sa packaging ay isang prutas ng durian.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa illegal drugs ang suspek.
Inaalam na ng mga awtoridad ang kasabwat ng sindikato ng suspek dahil sa malaking bulto ng droga na nakuha. Mary Anne Sapico