MANILA, Philippines – Kinumpirma ni PCG Spokesperson Capt. Noemie Cayabyab na may nakitang oil sheen sa lugar kung saan lumubog ang M/V Trisha Kerstin 3.
Ayon kay Capt. Cayabyab, napansin ito habang nagsasagawa ng aerial surveillance sa nagpapatuloy ding search and rescue operation ng mga awtoridad.
Ang oil sheen ay ang manipis na layer ng langis sa ibabaw ng tubig na kadalasang mukhang makintab at parang bahaghari. Kaiba ito sa oil spill kung saan mas malaki at mas mapaminsala.
Inaalam pa ng PCG ang lawak o haba ng nakitang oil sheen sa lugar.
Samantala, sinabi ni Capt. Cayabyab na nagpapatuloy ang operasyon sa tatlong barko na lumubog sa karagatan ng Pilipinas, kabilang ang M/V Devon Bay, MBCA Amejara, at M/V Trisha Kerstin 3. — Jocelyn Tabangcura-Domenden