MANILA, Philippines – Nag-isyu ng radio challenge ang Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado, Abril 5, laban sa barko ng China Coast Guard (CCG) na lumalapit sa kalupaan ng Pilipinas.
Sa pahayag, sinabi ng PCG na ang 99-meter CCG 3302 vessel ay namataang lumalapit sa 83 hanggang 85 nautical miles ng baybayin ng Palauig, Zambales.
Iginiit ng PCG sa radio challenge nito na ang pagpapatrolya ng CCG 3302 ay paglabag sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at 2016 Arbitral Award.
“The PCG remains resolute in its patriotic duty to patrol the Exclusive Economic Zone (EEZ), aiming to prevent the normalization of illegal Chinese activities while documenting the CCG’s illegal patrols in the Philippines’ West Philippine Sea,” pahayag ng PCG.
Ang CCG 3302 ay isa sa siyam na barko ng CCG na iniulat na nagpapatrolya sa EEZ ng Pilipinas noong Enero.
Ito rin ang parehong barko na gumamit ng water cannon at bumangga sa BRP Datu Pagbuaya ng PCG malapit sa Scarborough Shoal noong Disyembre 2024. RNT/JGC