Larawan mula sa Facebook page ng Coast Guard Station Manila
MANILA, Philippines- Nag-deploy ang Philippine Coast Guard (PCG) nitong Miyerkules ng ilang team para sa search and rescue (SAR) operations sa gitna ng pagbaha sa National Capital Region (NCR) na dala ng Bagyong Carina at ng southwest monsoon (Habagat).
Sa ulat, sinabi ng PCG na ang komprehensibong operasyon ng SAR ay ipinakalat sa Mandaluyong City, San Juan City, Marikina City, Sta. Mesa, at iba pang bahagi ng NCR.
Nagsagawa ng foot patrol sa buong kahabaan ng Ilog Pasig upang subaybayan ang lebel ng tubig at tiyakin ang mabilis na pagtugon sa anumang mga emergency—lalo na sa mga lungsod ng San Juan at Marikina.
Sa ngayon, pitong team mula sa PCG District NCR –Central Luzon, PCG Special Maritime, at PSC ang sumagip sa kabuuang 1,356 indibidwal na binubuo ng 433 pamilya.
Wala pang naiulat na nasawi.
Nauna rito, iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority na ang pagbaha sa mga pangunahing kalsada ng NCR ay hanggang dibdib, kaya hindi ito madaanan ng mga motorista.
Ilang bahagi ng Metro Manila ang nag-ulat ng baha na kasing taas ng isang palapag na gusali, kung saan may ilang residente na nakitang naghihintay ng rescue sa kanilang mga bubong. Jocelyn Tabangcura-Domenden