MANILA, Philippines- Naka-heightened alert ang Philippine Coast guard (PCG) simula Disyembre 20 hanggang Enero 3 sa susuinod na taon para paigtingin ang security at safety measures sa mga pantalan at ferry terminals.
Sinabi ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na ang mga tauhan ng PCG, sa pamamagitan ng nasabing kautosan ay titiyakin ang “maayos na operasyon ng mga pasilidad ng transportasyon sa dagat, maginhawang paglalakbay para sa publiko, mapayapang pagdiriwang ng Pasko, at seguridad ng mga turista sa mga beach at pribadong mga resort sa buong bansa.”
Babantayan din ng PCG 24/7 ang mga ruta ng nautical highway, lalo na sa Visayas kung saan matatagpuan ang karamihan sa mga tourist destination.
Aniya, magsasagawa ang mga PCG K9 units at security teams ng mahigpit na inspeksyon sa mga terminal ng pasahero at sakay ng mga barko.
Magpapatrolya rin ang mga tauhan ng PCG sa mga maritime tourist destination at handang dagdagan ang mga lifeguard at first responder kung kinakailangan.
Handa rin aniyang tumulong ang mga medical team sa panahon ng emerhensiya.
Nakikipagtulungan ang PCG sa Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa panahon ng mga vessel inspection.
Nanawagan si Gavan sa mga tauhan ng PCG na maging mapagbantay sa pag-inspeksyon sa mga pasahero at bagahe at pinaalalahanan ang mga pasahero sa pantalan na manatiling mapagbantay sa kanilang paglalakbay sa dagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden