MANILA, Philippines- Upang higit pang palakasin ang kakayahan nitong magsagawa ng mga humanitarian mission sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nakatanggap ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 55-meter vessel mula sa Philippine Red Cross (PRC) noong Enero 30, 2025.
Sina PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L Gavan PCG, at PRC Chairman Richard Juico Gordon ang dumalo sa deed of donation signing ceremony sa PRC National Headquarters sa Mandaluyong City.
Ayon kay Admiral Gavan, ang barko na M/V Amazing Grace ay magsisilbing critical asset sa paghahatid ng tulong medikal at humanitarian sa mga malalayong komunidad, partikular sa mga lugar sa baybayin.
Bukod dito, ang asset na ito ay magpapalakas sa kapasidad ng PCG na tumugon sa mga emerhensiya, natural na sakuna at krisis sa kalusugan ng publiko.
“We are very fortunate that the red cross has recognized that transferring a key asset of the PRC to the Coast Guard would somehow enable both of us to put more value to this asset. Rest assured that the coast guard will do everything we can to put that value both of us desires,” sabi ni Admiral Gavan.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni PRC Chairman Gordon ang mga makataong prinsipyo na gumagabay sa kanilang mga aksyon at ipinahayag ang pagmamalaki sa pagbibigay ng sasakyang-dagat sa PCG.
Ibinahagi ni Gordon na ang kanyang pag-asa para magamit nang epektibo ang sasakyang-dagat, partikular na sa mga misyon sa malalayong lugar tulad ng Pagasa Island.
Dumalo rin sa seremonya sina PCG Acting Deputy Commandant for Administration at Chief of Coast Guard Staff, Rear Admiral Hostillo Arturo Cornelio; Commander CGFLEET Commodore Arnaldo Lim PCG at iba pang matataas na opisyal ng PCG. Jocelyn Tabangcura- Domenden