Home NATIONWIDE BI nagbabala sa mga pumoprotekta sa mga espiya

BI nagbabala sa mga pumoprotekta sa mga espiya

MANILA, Philippines- Nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na sasampahan nila ng kaso ang sinomang indibidwal na magbibigay-proteksyon sa mga dayuhang espiya.

Ayon kay Viado, ang nasabing hakbang ay alinsunod sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tiyaking protektado ang bansa mula sa mga banta ng dayuhan at iba pang panganib sa pambansang soberanya.

Sinabi ni Viado na nakikipagtulungan sila sa Department of Justice (DOJ) sa pagkuha ng impormasyon tungkol sa mga umano’y espiya na dati nang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng mga mino-monitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nabatid sa opisyal na sa mga paunang pagsusuri, ang nasabing mga dayuhan ay may regular na immigration status sa Pilipinas, na nagdaragdag sa hinala na sila ay nakikisalamuha sa lipunan.

“Should we confirm that there are individuals—whether Filipinos or foreign nationals—that hid or assisted these alleged spies, we will file cases against them for harboring illegal aliens, in violation of section 46 of the Philippine immigration act of 1940,” babala ni Viado.

Sinabi ni Viado na nangako sila sa DOJ na isasampa nila ang lahat ng nararapat na kaso laban sa mga suspek at kanilang mga kasamahan upang matiyak na haharapin nila ang buong bigat ng mga batas ng Pilipinas at maranasan ang pinakamataas na parusa sa kanilang mga krimen. JR Reyes