MANILA, Philippines- Inulit ni Commission on Elections (Comelec) chairperson George Erwin Garcia nitong Biyernes ang kanyang apela kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng “insiders” sa gitna ng nalalapit na pagreretiro ng dalawang miyembro ng poll body.
Nakatakdang magretiro sina Commissioner Socorro Inting at Marlon Casquejo sa Linggo, Pebrero 2, matapos makumpleto ang kanilang pitong taong termino. Dahil dito, limang komisyoner na lang ang natitira sa Comelec at humigit-kumulang tatlong buwan ang natitira bago ang 2025 May elections.
Sinabi ni Garcia na umaasa sila na na magtatalaga kaagad ang Pangulo ng kapalit ng dalawang komisyoner dahil mayroon na lamang silang 101 araw bago ang susunod na halalan.
Ayon kay Garcia, angkop na magtalaga ng isang ‘insider’ dahil alam na ang ginagawa ng Comelec, may kaalaman din sa mga taong gumaganap na ng mga tungkulin, at kasabay nito, alam ang mga isyung kinakhharap ng komisyon.
Sinabi ni Garcia na ang bagong komisyoner ay inaasahang itatalaga matapos ang break ng Kongreso mula Pebrero 8 hanggang Hunyo 1 para sa campign period para sa nalalapit na midterm elections.
“Wag kayong mag-alala. We are in control of the situation and we are still in line with our goal as far as the five members of the commission is concerned,” dagdag ni Garcia.
Itinakda ang midterm elections sa Mayo 12, 2025 kung saan ang campaign period para sa senatorial aspirants at party-list groups ay magsisimula sa Pebrero 11 habang ang campaign period para sa local positions ay magsisimula sa Marso 28 2025. Jocelyn Tabangcura-Domenden