MANILA, Philippines – Nagpahatid ng pakikiramay ang buong pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pamilya ng naulila ng dalawang miyembro nito na nasawi sa malagim na sunog sa Binondo, Maynila nitong Biyernes ng umaga, Agosto 2.
Sa inilabas na pahayag ng PCG, sinabi ni PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, na nakipag-ugnayan na ang Command sa mga naulilang pamilya upang tumulong at magbigay ng pangangailangan ng kanilang pamilya sa kanilang pinagdadaanan sa ngayon.
Napag-alaman na sina Apprentice Seaman (ASN) Ian Paul Fresado at ASN Mark Hernandez – na namatay sa sunog sa residential building sa Carvajal St., sa Binondo ay pansamantalang nanunuluyan sa gusali bilang mga ‘boarders.’
Sa imbestigasyon natuklasan na ang sanhi ng sunog ay dahil sa pagsabog ng LPG sa ground floor o unang palapag pasado alas-7 ng umaga.
Si ASN Fresado at ASN Hernandez, ay miyembro ng Coast Guardsman Course (CGMC) Class 105, at nakatalaga sa Marine Environmental Protection Command (MEPCOM).
Dinala ang kanilang mga labi kasama ang siyam na iba pa sa Batangas Sanctuary Funeral Home sa Abad Santos Avenue, Tondo, Manila, para sa tamang disposisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden