Home NATIONWIDE PCG nanindigan: Escoda Shoal mahalaga sa Pinas; BRP Teresa Magbanua ‘di aalisin...

PCG nanindigan: Escoda Shoal mahalaga sa Pinas; BRP Teresa Magbanua ‘di aalisin dito

MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na napilitan itong itigil ang isang resupply mission para sa BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, nasa critical level ang food supplies at provisions para sa mahigit 10 crewmen na sakay ng BRP Teresa Magbanua.

Nagsagawa ang PCG ng maraming resupply mission sa barko mula nang i-deploy ito sa Escoda Shoal noong Abril 16. Ngunit sa unang pagkakataon sa loob ng apat na buwan, anim na barko ng China Coast Guard (CCG) at dalawang People’s Liberation Army (PLA) Navy vessel ang lumitaw at napalibutan ang BRP Cabra at BRP Cape Engaño.

Binanggit ni Tarriela na kabilang sa anim na China Coast Guard vessels na nakita noong Lunes ang dalawang barko na responsable sa pagbangga sa barko ng PCG kamakailan.

Ginamit ng China ang presensya ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal bilang katwiran sa mga aksyon nito sa isang insidente noong Agosto 25, na nagresulta din sa sinadyang pagbangga ng isang barko ng CCG sa barko ng Philippine Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang BRP Datu Sanday.

Idinagdag ni Tarriela na hindi militar ang deployment ng BRP Teresa Magbanua.

Ayon pa kay Tarriela, ang Escoda Shoal ay mahalaga sa Pilipinas, hindi lamang dahil sa lapit nito sa mainland, kundi dahil din sa lapit nito sa iba pang pinagtatalunang feature sa West Philippine Sea. Jocelyn Tabangcura-Domenden